top of page

‘Organic Encounter’: Libangan noong Pandemya, Isa nang Matagumpay na Organikong Kabuhayan

  • Writer: Wednesday Chronicle
    Wednesday Chronicle
  • Jan 3
  • 1 min read

TAGKAWAYAN, Quezon – Maraming pangarap at kabuhayan ang nahinto dahil sa pandemya mula 2020 hanggang 2022, ngunit para kay Camille Diana Maralit, isang kabataang magsasaka mula sa Tagkawayan, ito ang naging simula ng bagong oportunidad.


Nagsimula si Camille sa simpleng pagtatanim ng gulay sa mga lumang bote at paso sa kanilang bakuran, na aniya’y “trial and error” lamang. Kalaunan, sinubukan din niya ang pagtatanim ng kabute at pag-aalaga ng manok at baboy, hanggang sa mapagtanto niyang maaari itong maging kabuhayan.


Bagama’t nagtapos siya ng BS Agriculture sa Southern Luzon State University noong 2024, iginiit ni Camille na ang tunay na pagkatuto sa pagsasaka ay nagmumula sa aktwal na karanasan. Kaya naman patuloy siyang nag-aral sa pamamagitan ng mga pagsasanay at kursong pang-agrikultura, kabilang ang mga National Certification mula sa TESDA.


Isang mahalagang oportunidad ang dumating nang mapili siya sa Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) ng DA-ATI CALABARZON, kung saan siya nagsanay mula Hunyo 2024 hanggang Marso 2025 sa Ouan’s Worth Farm sa Lucena City. Dito niya natutunan ang tunay na kalakaran ng pagsasakang may kasamang pagnenegosyo.


Pagbalik sa kanilang lugar sa Brgy. Payapa, itinatag ni Camille ang Payapa Mushroom House, na may layuning makapaghatid ng masusustansya at organikong produkto sa komunidad. Bagama’t humarap sa mga hamon sa simula, pinili niyang magsimula sa maliit at unti-unting palaguin ang kanyang agri-negosyo.


Sa tulong ng mga programa ng DA-ATI, paggabay ng mga mentor, at suporta ng pamilya, unti-unting nahubog si Camille bilang isang agripreneur. Ang kanyang kuwento ay patunay na kahit sa gitna ng krisis, may mga pangarap na maaaring tumubo—kung may tiyaga, tapang, at paniniwala sa sinimulan. /PR

 
 
 

Comments


Subscribe to Our Newsletter

Thanks for submitting!

  • White Facebook Icon

© 2023 by The Wednesday Chronicles and secured by Wix

bottom of page