Mayor’s Permit Fee, Winaive para sa Maliliit na Sari-Sari Store sa Indang
- Wednesday Chronicle
- Jan 25
- 1 min read

INDANG, Cavite — May magandang balita para sa mga maliliit na negosyante sa Bayan ng Indang matapos ipatupad ng pamahalaang bayan ang waiver ng Mayor’s Permit Fee para sa mga may-ari ng sari-sari store na may puhunan na P50,000 pababa.
Ito ay alinsunod sa Municipal Ordinance No. 360 s. 2025, na inaprubahan ng Sangguniang Bayan noong Disyembre 15, 2025, bilang bahagi ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan na suportahan at palakasin ang sektor ng maliliit na negosyo sa bayan.
Gayunman, nilinaw ng pamahalaang bayan na mananatili pa rin ang pagbabayad ng iba pang kaukulang bayarin tulad ng business permit, barangay clearance fee, iba pang regulatory at inspection fees, gayundin ang mga surcharge para sa late filing.
Hinihikayat ang mga kwalipikadong negosyante na magtungo sa Business One Stop Shop (BOSS) na matatagpuan sa Multi-Purpose Hall, Municipal Hall Compound upang magproseso ng kanilang aplikasyon. Ang deadline ng aplikasyon ay hanggang Enero 31.
Ayon sa pamahalaang bayan, layunin ng hakbang na ito na hikayatin ang mga maliliit na negosyante na ipa-legal ang kanilang negosyo upang maiwasan ang abala at masigurong maayos ang operasyon sa hinaharap.
Muling iginiit ng Pamahalaang Bayan ng Indang ang patuloy nitong suporta sa mga maliliit na negosyante bilang mahalagang bahagi ng lokal na ekonomiya.




Comments