129th Rizal Day Anniversary Commemorated in Calamba City
- Wednesday Chronicle
- Jan 3
- 1 min read

CALAMBA CITY, Laguna — Pinangunahan ng City Government of Calamba katuwang ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang paggunita sa ika-129 anibersaryo ng kabayanihan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal bilang bahagi ng pagdiriwang ng Rizal Day noong Disyembre 30.
Isinagawa ang komemorasyon sa temang “Rizal: Sa Pagbangon ng mga Mamamayan: Aral at Diwa Mo ang Tunay na Gabay,” na nagbibigay-diin sa mga aral, prinsipyo, at ambag ni Rizal sa kasaysayan ng bansa na patuloy na nagsisilbing gabay sa paghubog ng isang makatarungan at maunlad na lipunan.
Ayon kay Calamba City Mayor Roseller Rizal, ang taunang pag-alala sa kamatayan ng pambansang bayani ay patunay ng patuloy na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa ipinamalas nitong pagmamahal sa bayan—isang pagmamahal na isinasabuhay sa pamamagitan ng integridad, malasakit sa kapwa, at tapat na paglilingkod sa Inang Bayan.
Bilang simbolo ng paggalang at pakikiisa, nag-alay ng mga bulaklak sa bantayog ni Rizal ang mga kinatawan ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, pamahalaang panlalawigan ng Laguna, lokal na pamahalaan, mga samahang sibiko, gayundin ang ilang kaanak ng pambansang bayani.
Dumalo rin sa programa si Laguna Governor Sol Aragones, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng mga itinuturing na makabagong bayani ng lipunan tulad ng mga guro, health workers, kawani ng pamahalaan, at iba pang sektor na patuloy na nagsisilbi para sa kapakanan ng mamamayan.
Sa pagtatapos ng programa, muling hinikayat ng pamahalaang lungsod ang bawat Pilipino na patuloy na gawing inspirasyon ang buhay at adhikain ni Rizal upang makamit ang isang makabayan, makatarungan, at mas maunlad na Pilipinas. (CO/PIA4A, CH/PIA Laguna)




Comments