top of page

Mahigit 500 Magniniyog, Nakinabang sa Impormasyon at Serbisyo ng CFIDP

Writer: Wednesday Chronicle
Wednesday Chronicle
Aug 9
2 min read

Inilapit sa mahigit 500 magniniyog sa rehiyon ang mahahalagang impormasyon, programa, at serbisyo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) na makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.


Sa pangunguna ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang iba’t ibang ahensyang tagapagpatupad ng CFIDP, isinagawa ang limang pangkat ng Information Drive on Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP): Impormasyon at Serbisyong Abot-Kamay sa mga bayan ng Burdeos at Jomalig, Quezon; Rodriguez, Rizal; Kalayaan, Laguna; at Mataasnakahoy, Batangas.


Naging tampok sa programa ang pagbabahagi ng iba’t ibang serbisyo at interbensyon mula sa mga ahensyang nagtutulong-tulong upang matiyak na naaabot ng CFIDP ang mga magniniyog sa iba’t ibang sulok ng rehiyon.


DA-Philippine Coconut Authority (PCA) - nangungunang ahensya para sa pangkalahatang programang pangkaunlaran at social protection sa mga magniniyog;

DA-Agricultural Training Institute (ATI) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) - pagbibigay ng mga pagsasanay at pagpapalakas ng kakayahan ng mga magniniyog;

DA-High Value Crops Development Program (HVCDP) - mga programang nakasuporta sa produksyon ng niyog gaya ng pag-intercrop sa kakaw at kape;

DA-Bureau of Animal Industry (BAI) - integrasyon ng paghahayupan sa niyugan;

DA-National Dairy Authority (NDA) - pag-aalaga ng mga gatasang kambing, kalabaw, o baka sa ilalim ng niyugan;

DA-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) - konstruksyon ng mga shared processing facilities;

Department of Trade and Industry (DTI) - pagnenegosyo, value-adding, at akses sa merkado;

Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) - pagpapaseguro sa niyugan at mga magniniyog; at Cooperative Development Authority (CDA) IV-A para sa pagbuo at pagpapalakas ng kooperatiba.

Commission on Higher Education (CHED) - scholarship programs para sa mga anak at malapit na kaanak ng magniniyog;

DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) - pananaliksik at pagsusuri sa mga teknolohiya sa pagniniyog gaya ng coconut hybridization;

Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines (LBP) - pagpapautang sa abot-kaya at maliit na interes; at

Department of Public Works and Highways (DPWH) - konstruksyon ng mga farm-to-market road sa niyugan.

Nagkaroon din ng bukas na talakayan kung saan nasagot ang mga katanungan ng mga kalahok hinggil sa mga serbisyong maaari nilang mapakinabangan at sa mga hakbang upang maging aktibong kabahagi ng mga programa sa ilalim ng CFIDP.


Sa pamamagitan ng information drive, pinagtitibay ng mga ahensyang magkakatuwang sa CFIDP ang kanilang sama-samang hangarin na mailapit sa bawat magniniyog ang mga programa at serbisyong magpapalakas sa industriya ng niyog.


Ang pagkakaisa ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan ay nagsisilbing mahalagang hakbang tungo sa isang mas masagana, matatag, at progresibong industriya ng niyog, na magbibigay ng mas maraming oportunidad at mas maunlad na kinabukasan para sa mga magniniyog sa CALABARZON.

 
 
 

Comments


Subscribe to Our Newsletter

Thanks for submitting!

  • White Facebook Icon

© 2023 by The Wednesday Chronicles and secured by Wix

bottom of page