top of page

DPWH district engineer sa tangkang panunuhol, suspendido, sasampahan ng kaso

  • Writer: Wednesday Chronicle
    Wednesday Chronicle
  • Sep 3
  • 2 min read
ree

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) – Nakatakdang sampahan ng kaso ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa umano’y tangkang panunuhol upang matigil ang pag-iimbistiga sa mga flood control projects sa unang distrito ng Batangas.


Ayon sa statement ni Leviste, magsasampa siya ng kaso laban kay DPWH District Engineer Abelardo Calalo sa tanggapan ng Batangas Provincial Prosecutor sa Martes, Agosto 26.


“Hindi natin dapat pahintulutan ang korapsyon sa DPWH. Dapat nating igiit ang mga proyektong may mas mataas na kalidad at mas mababang halaga, at obligahin ang mga contractor na agad ayusin ang anumang pagkukulang ng mga proyekto nang walang karagdagang gastos mula sa gobyerno. Higit pa sa kasong ito, isusulong natin ang mas malawakang reporma upang tugunan ang mga suliraning nakaugat sa sistema ng DPWH,” pahayag ni Leviste sa kanyang Facebook page.


Samantala, sa opisyal na pahayag ng DPWH, ang naturang district engineer ay kanilang aalisin sa puwesto at isasailalim sa preventive suspension.


“Ang alegasyon na sangkot ang isang district engineer sa Batangas ay isang seryosong usapin at pinagtutuunan ng matinding pansin ng ahensya,” ayon sa DPWH.


Binigyang-diin sa naturang pahayag na hindi kinukunsinti ng DPWH ang anumang maling gawi na ginawa ng kanilang mga empleyado.


Suportado din nila ang isinasagawang imbestigasyon at patuloy na nananatiling maging transparent at isinusulong ang pagkakaroon ng integridad sa serbisyo.


Huli sa isinagawang entrapment operation ng Taal Philippine National Police si Calalo noong Agosto 22.


Ang operasyon ay isinagawa sa Brgy. Poblacion Zone 12 sa bayan ng Taal dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.


Sa inisyal na imbestigasyon ng Taal PNP, nakatanggap sila ng tawag mula kay Leviste ukol sa pag-alok sa kanya ng suhol na nagkakahalaga ng P3,126,900.00 mula kay Calalo.


Ang naturang bribe money diumano ay upang pigilan ang sinimulang imbestigasyon ng tanggapan ni Leviste ukol sa mga anomalya sa flood control projects sa Unang Distrito ng lalawigan.


Nakumpiska ang evidence money mula sa opisyal na kasalukuyang nakapiit sa Taal Municipal Police Station. (MPDC-PIA Batangas)

 
 
 

Comments


Subscribe to Our Newsletter

Thanks for submitting!

  • White Facebook Icon

© 2023 by The Wednesday Chronicles and secured by Wix

bottom of page