Cayetano pinuna ‘amnesia’ ni Cabral tuwing Senate hearing, muling binanatan P100-B overhead ng DPWH
- Wednesday Chronicle
- Sep 15
- 2 min read

Pinuna ni Senate Minority Leader Sen. Alan Peter Cayetano nitong Martes si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Cathy Cabral dahil sa paulit-ulit nitong pagsagot ng “hindi ko alam” nang tanungin tungkol sa ghost projects, geotagging, at overhead expenses.
Ipinahayag ito ni Cayetano sa plenaryo matapos ipakita ni Senator Panfilo Lacson, sa kanyang privilege speech, ang isang text message kung saan tinatanong ni Cabral ang isang “sir” kung may proyekto ba itong nais ilagay sa DPWH para “ma-vet” at “maipasok ko po sa NEP.”
Puna ni Cayetano, malinaw na taliwas ang text message sa naging sagot ni Cabral sa kanya sa Blue Ribbon hearing noong August 27.
Sa naturang text message kasi, tila “napaka-organized” aniya ni Cabral sa usapin ng insertions, malayo sa “hindi ko po alam” na mga sagot nito sa mga nakaraang pagdinig.
“Sa text, napaka-organized. Titingnan pa kung may redundancy, ibig sabihin kung y’ung project na pinasok mo, pinasok na ng iba,” giit ng senador. “Ang layo sa sagot niyang, ‘Sir, hindi ko departamento ‘yan, hindi ko alam.’”
Dagdag ni Cayetano, ipinapakita rin nito na binubuo pa lang ng DPWH ang kanilang proposed budget ay may insertions nang nagaganap, at hindi lang tuwing bicameral meetings ng mga mambabatas.
“Dito sa text message niya, malinaw na malinaw na y’ung insertion, sa pagpapagawa pa lang ng NEP, ‘pag malakas ka sa departamento, pwede mong ipasok except that mas may guidelines sa umpisa,” aniya.
Muli ring binatikos ni Cayetano ang lumolobong Engineering and Administrative Overhead (EAO) ng ahensya, na mula 0.5 percent ay umakyat sa 3.5 percent ng bawat proyekto sa nakalipas na tatlong taon.
Ang EAO ay ang porsyentong awtomatikong ibinabawas mula sa project cost ng bawat proyektong lampas P1 million ang halaga. Napupunta ito sa DPWH central office, regional directors, at district engineers para sa overhead expenses gaya ng quality control at testing.
Pero giit ni Cayetano, imbes na gamitin ng DPWH ang pondong ito para tiyakin ang kalidad ng mga proyekto ay napunta pa sa mga tinatawag na “ghost projects.”
“In three years, umabot sa halos P100 billion ang napupunta sa DPWH,” diin niya.
Sumang-ayon naman si Lacson sa punto ni Cayetano at sinabing mas mainam sana kung nailaan ang mga pondong ito sa lehitimong gastusin ng gobyerno.
“Isa ito sa pwedeng tanungin sa budget deliberation natin. Bakit tumaas na, naging 3.5 na? Napakalaking bawas ‘yan sa dapat gastusin sa proyekto,” ani Lacson.###




Comments